Reyes tinalo si Wu sa Face Off Series
MANILA, Philippines - Gamit ang kanyang malawak na eksperyensa, tinalo ng 57-anyos na si Philippine billiards legend Efren ‘Bata’ Reyes ang 32-anyos na si Wu Jia Qiang, 9-6, sa kanilang race-to-9 finals showdown para angkinin ang Philippine Bigtime Billiards (PBB) Face Off Series noong Biyernes ng gabi sa PAGCOR Airport Casino sa Parañaque City.
Naiganti ni Reyes ang kanyang naunang kabiguan kay Wu, dating kilala bilang si Wu Chia-ching ng Chinese-Taipei, sa kanilang paghaharap sa quarterfinal round ng nakaraang 11th Predator International 10-Ball Championship noong Setyembre sa Robinsons Galleria Mall sa Ortigas.
Si Wu, ang 2005 WPA World 9-Ball at 2005 WPA World 8-Ball champion, ay kinakatawan ngayon ang China.
“Luck played a part in my victory. Wu is a very tough opponent and I really had a hard time beating him,” sabi ni Reyes, ang tinanghal na 1999 WPA World 9-Ball at 2004 WPA World 8-Ball king.
Ibinulsa ni Reyes ang $5,000 premyo, samantalang napasakamay naman ni Wu ang $2,500.
Ang iba pang mga Filipino cue artists na sumabak sa PBB Face Off Series ay sina Carlo Biado, Dennis Orcollo, Ronato Alcano, Francisco ‘Django’ Bustamante, Lee Vann Corteza at Roberto Gomez.
Magpapatuloy ang PBB Face Off Series sa Pebrero 18, 2012.
- Latest
- Trending

















