Pagkakakulong walang epekto kay Mayweather
MANILA, Philippines - Inamin ni Jeff Mayweather, ang uncle/trainer ni Floyd Mayweather, Jr., na magkakaroon ng epekto ang pagkakakulong ng five-division champion sa plano nitong pag-akyat ng boxing ring sa Mayo 5, 2012.
Bagamat hindi tinukoy si Manny Pacquiao, ang Filipino world eight-division titlist ang sinasabing gustong makasagupa ni Mayweather sa naturang petsa.
“It’s an unfortunate situation for him and hopefully he can put this behind him and move forward in a positive way and come back even better and stronger,” wika kahapon ni Jeff. “90 days won’t affect his career but it may have some effect on the May 5th fight. But I guess we all will have to see how that plays out.”
Noong nakaraang linggo ay nahatulan ang 34-anyos na si Mayweather ng 90 araw na pagkakakulong sa Clark County Detention Center sa Las Vegas, Nevada mula sa domestic violence case na isinampa ng dati niyang live-in partner noong Setyembre ng 2010.
Sisimulan ni Mayweather ang kanyang sentensya sa Enero 6, 2012 at inaasahang makakalabas ng kulungan sa Abril 6.
Kung hindi na maitatakda ang laban kay Mayweather, posibleng ang bagong International Boxing Federation (IBF) at World Boxing Association (WBA) welterweight champion na si Lamont Peterson ang makalaban ni Manny Pacquiao sa 2012.
Bitbit ni Pacquiao ang 54-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 38 KOs, habang may 30-1-1 (15 KOs) mark si Peterson.
Sa kanyang pagkakakulong ng halos tatlong buwan, imposible nang magkaroon si Mayweather (42-0, 26 KOs) ng magandang training camp para sa isang laban.
- Latest
- Trending