MANILA, Philippines - Isang tiket sa 2012 Olympic Games sa London at apat na gintong medalya mula sa 26th Southeast Asian Games sa Indonesia.
Ito ang naging achievement ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) para sa taong 2011.
Nakamit ni light flyweight Mark Anthony Barriga ang isang puwesto para sa 2012 Olympic Games sa London matapos umabante sa finals ang tumalo sa kanya sa quarterfinals na si Zhou Shiming, isang two-time World Boxing Championship gold medalist, ng China sa nakaraang 2011 World Championships sa Baku, Azerbaijan.
Awtomatikong mabibigyan ng tiket sa 2012 Games ang mga boksingerong natalo sa quarterfinals kung pumasok naman sa finals ang mga nagwagi sa kanila.
Si Harry Tañamor, isa ring light flyweight kagaya ni Barriga, ang tanging boxer na nakalahok sa 2008 Beijing Olympics matapos sumuntok ng silver medal sa 2007 World Championships sa Chicago kung saan siya tinalo ni Zou sa gold medal round.
Kumpiyansa naman si ABAP president Ricky Vargas na madaragdagan pa ang mga Fil;ipino boxers na lalaban sa 2012 London Olympics sa kanilang paglahok sa dalawang nakatakdang Olympic qualifying tournaments.
‘We have not stopped dreaming and we look forward to the new challenge,” sabi ni Vargas.
Sinulatan na ng ABAP ang Philippine Olympic Committee para iendorso si 2010 Asian Games gold medalist Rey Saludar bilang wild card sa London Games.
Sa 2011 SEA Games sa Indonesia, kaagad namang nasibak ang 17-anyos na si Barriga ng Panabo City, Davao del Norte sa first round sa light flyweight division matapos matalo kay Indonesian pride Denisius Hitarihun.
Natakpan naman ito ng mga gintong medalya nina lightweight Charly Suarez, light welterweight Dennis Galvan, pinweight Josie Gabuco at light flyweight Alice kate Aparri sa nasabing biennial event.
Si bantamweight Nesthy Petecio ang nag-uwi ng pilak, habang si Saludar ang kumuha ng tansong medalya.