MANILA, Philippines - Malaki ang base ng talentong pagpipilian ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) kung pagmumulan ng pambato ng bansa sa 2014 Youth Olympic Games sa Nanjing, China ang pag-uusapan.
Ang ABAP National Championships ang isa sa qualifying bukod pa sa idinaos na Batang Pinoy National Finals na nagwakas sa Naga City.
Ang mga mapipiling mga batang boksingero mula sa mga kompetisyong ito ay isasama sa mga boksingerong nasa pool na puwede pang katawanin ang Pilipinas sa YOG.
Isa sa tinitingnan na ilalaban sa 18-anyos pababa na torneo ay si Eumir Felix Marcial na tubong Zamboanga at naipakita na ang talento nang manalo sa light-bantamweight division AIBA World Juniors Boxing Championship sa Astana, Kazakstan noong Hulyo.
Si Marcial ang lumabas bilang kauna-unahang kampeon ng Pilipinas sa nasabing kompetisyon at siyang puwedeng sandalan para magkamedalya kung maisasama sa YOG.
Ang iba pang puwedeng isama ay ang magkapatid na Jalnaiz na sina Roberto Miguel (14) at Rafael (13) na nanalo sa Batang Pinoy Finals.
Ngunit kakailanganin ng ABAP na makumbinsi ang ama at dating Olympian at multi-medalist Roberto Jalnaiz na pahintulutan na ipagkatiwala ang mga anak sa NSA matapos sabihin niya sa isang panayam na hindi niya hahayaan na ang iba ang makinabang sa paghihirap na ginagawa ng pamilya para makilala sa larangan ng boxing.