MANILA, Philippines - Idedepensa ng Centro Escolar University ang kanilang hawak na korona sa National Athletic Association of Schools, Colleges, and Universities (NAASCU) cheerdance competition na magbubukas sa Biyernes sa Rizal Memorial Coliseum.
Ipaparada ng Scorpions ang ilang miyembro ng Philippine squad na tumersera sa nakaraang 6th Cheerleading World Championships sa Hong Kong.
Kabuuang 15 CEU students ang miyembro ng naturang koponan kasama ang mga miyembro ng multi-titled University of the Philippines (UP) Pep Squad at Polytechnic University of the Philippines.
Tumapos sila bilang third-placer sa Cheer Mixed category sa ilalim ng world powerhouse Japan at Thailand.
“Being a part of the Philippine team and competing against the best pep squads in the world was a great experience for the school,” sabi kahapon ni NAASCU treasurer Juanita Alamillo ng CEU sa PSA Forum sa Shakey’s U.N. Ave.
“Hopefully, we’ll be able to maintain the rank as champions for the second straight year,” dagdag pa nito.
Makakalaban ng CEU sa NAASCU cheerdance competition ang Saint Clare, STI College, Informatics International College, University of Pasay, New Era University, AMA Computer University at Our Lady of Fatima University.
Ang mga criteria para sa judging ay ang techniques (50 percent), pyramid difficulty (20 percent) at synchronization/choreography (30 percent), ayon kay NAASCU president Dr. Ernesto ‘Jay’ Adalem ng host school St. Clare College-Caloocan.