Imbestigasyon sa pambubugbog kay Gorayeb gugulong na
MANILA, Philippines - Hindi palalampasin ng pamunuan ng NCAA ang mga may sala sa pambubugbog na nangyari kay San Sebastian women’s volleyball coach Roger Gorayeb sa kamay ng San Beda men’s basketball team.
Ito ang inihayag ni Management Committee chairman Dr. Ramon Cercado ng Perpetual Help kasabay ng paghimok din sa publiko at media na maging mapagpasensya dahil hindi agarang maibibigay ito ng walang masinsinang imbestigasyon.
“We are appealing to everybody concerned, including the media, for sobriety. To be fair to everyone involved, we have to follow certain procedures to resolve this issue to everyone’s satisfaction,” pahayag ni Cercado.
Bumubuo na ang Mancom ng isang komite na siyang susuri sa tunay na nangyari at mangangalap ng ebidensya upang pagbayarin ang may sala.
At hindi ang volleyball committee na binubuo rin nina San Beda athletic director Jose Mari Lacson at San Sebastian athletic director Frank Guci, ang hahawak nito kundi mga taong walang kinalaman sa palaro para maging patas ang mga ito.
“We have to be transparent and as democratic as possible in dealing with this issue. But we will act on it immediately as soon as the evidences and the reports have been submitted,” dagdag pa ni Cercado.
Bugbog-sarado si Gorayeb sa kamay ng mga Lions na sinasabing kinabilangan ni head coach Frankie Lim matapos ang palitan ng maaanghang na pananalita matapos ang akusasyon ng Lions na ibinato sa Stags volleyball team na tinawag nilang unggoy ang Nigerian player na si Olaide Ade-ogun.
Samantala, pupuntiryahin ng host Perpetual Help ang 4-0 karta sa women’s volleyball sa pagharap sa Jose Rizal University dakong alas-10 ng umaga sa Letran gym.
Ang iba pang laro ay sa pagitan ng Mapua at Lyceum sa women’s at men’s division mula alas-8 ng umaga habang ang huling laro dakong alas-11ng tanghali ay sa pagitan ng Altas at Heavy Bombers.
- Latest
- Trending