MANILA, Philippines - Isang masaganang Araw ng Pasko ang inaasahan nina amateur boxers lightweight Charly Suarez, light welterweight Dennis Galvan, pinweight Josie Gabuco at light flyweight Alice Kate Aparri.
Inihayag kahapon ni Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) president Ricky Vargas na ibibigay nila ang mga cash incentives na P300,000 kina Suarez, Galvan, Gabuco at Aparri sa kanilang Christmas party sa Disyembre 7 matapos ang kanilang kampanya sa 26th Southeast Asian Games sa Indoneisa.
“We promised, we announced three years ago that Southeast Asian Games gold medalists will recieved P300,000,” wika kahapon ni Vargas. “The silver and bronze medalist will also recieved cash incentives.”
Bukod sa apat na gintong medalya, sumuntok din ang mga amateur pugs ng isang pilak at isang tanso galing kina bantamweight Nesthy Petecio at Saludar, ayon sa pagkakasunod.
Ayon sa Republic Act 9064, ang mga gold medalists sa SEA Games ay tatanggap ng cash incentive na P100,000, habang P50,000 ang ibibigay sa silver medalist at P10,000 sa bronze medalist.
Sa 2011 SEA Games, kabuuang 36 gold, 56 silver at 77 bronze medals ang nakolekta ng Team Philippines para tumapos bilang pang-anim sa overall standings.
Ang Philippine Sports Commission ay maglalabas ng P12.1 milyon bilang cash incentives ng naturang mga gold, silver at bronze medalists sa biennial event.
Matapos ang 2011 SEAG, paghahandaan naman ng ABAP ang qualifying tournament sa Kazakhstan sa Abril para sa 2012 London Olympic Games, ayon kay Vargas.
Tanging si light flyweight Mark Anthony Barriga pa lamang ang amateur boxer na nakakuha ng tiket para sa 2012 Olympic Games mula sa kanyang kampanya sa nakaraang Olympic qualifying.
Nasikwat ni Barriga ang Olympic berth nang makapasok ang tumalo sa kanyang si Zhou Shiming ng China sa finals at kunin ang 15-8 panalo laban kay David Ayrapetyan ng Russia sa 2011 AIBA World Championship sa Baku, Azerbaijan.
Sa International Boxing Association (Association Internationale de Boxe Amateur, AIBA) rules, ang dalawang boxers na nabigo sa Round-of-16 sa mga finalist ay makakapasok din sa Olympics.
Natalo si Barriga kay Zhou, 5-12, sa Round-of-16.