WEST JAVA, Indonesia-- Hindi sinayang ni Nestor Cordova ang pagkakataon na ibinigay sa kanya nang kunin ang ginto sa men’s lightweight singles sculls sa pagbubukas ng rowing kahapon sa Cipule Lake sa Ekasi, West Java.
Todo-sagwan ang ginawa ng 34-anyos na tubong Murcia, Negros Occidental para tuluyang makalamang sa kalagitnaan ng 2,000-meter race na hindi na niya binitiwan.
Naorasan si Cordova ng 7 minuto, 18.8 segundo na lamang ng mahigit tatlong segundo sa pumangalawang si Chaichana Thakum ng Thailand na may 7:21.6. Pumangatlo naman si Aung Ko Min ng Myanmar sa kanyang 7:25.3 tiyempo.
Labis-labis ang pasasalamat ni Cordova kay Lituanian coach Rolandas Kazlauskas dahil siya ang pinalaro sa event laban kay Benjie Tolentino na kampeon ng event mula 2003, 2005 at 2007 SEA Games.
Hindi idinaos ang rowing sa Laos noong 2009 SEAG.
“Lahat ng paghihirap sa training at pagtuturo ni coach Kazlauskas ay nagbunga sa panalong ito,” ani Cordova.
“This victory is huge for us and proved that I was not wrong in picking Nestor,” wika naman ni Kazlauskas.
Umani ng bronze medal ang tambalang nina Edgar Recana Ilas at Alvin Amposta sa lightweight doubles sculls nang maorasan ng 6:49.5.
Sina Leam Kangnok at Ruthtanaphol Thepp ng Thailand ang nanalo sa 6:45.3, habang sina Ihram at Jamaludin ng Indonesia ang pumangalawa sa 6:48.2.
“This shows that Filipino rowers can still be competitive despite the meager resources the association has,” pahayag ng pangulo ng rowing association na si Benjie Ramos.
Magtatambal sina Tolentino at Jose Turingan sa men’s doubles scull at sina Cordova, Amposta, Tolentino, Ilas at Turingan ang makakasama nina Darwin Rodriguez, Nicanor Regalado, Roque Ablan at Edgardo Maerina.