PALEMBANG, Indonesia --- Binigyan ng magandang panimula ni Nestor Cordova ang Pilipinas sa rowing competition para tiyakin na hindi mabobokya ang pambansang koponan na kumakampanya dito sa 26th SEA Games sa iba’t ibang lugar sa Indonesia.
Kumampay ng kumampay si Cordova pagpasok sa kalagitnaan ng 2000m men’s lightweight single sculls event na pinaglabanan sa Cipule Lake sa Ekasi, West Java para layuan ang mga katunggali tungo sa tagumpay.
Nagposte ng 7 minuto at 18.8 segundo ang winning time ng 34-anyos na si Cordova na tinapik sa event na dinodomina ni Olympian Benjie Tolentino mula 2003, 2005 at 2007 edisyon.
Produktibo rin ang tambalan nina Edgar Recana at Alvin Amposta sa doubles dahil nakasungkit sila ang bronze medal.
Sina Jennifer Chan at Earl Benjamin Yap ay pumangalawa sa men’s at women’s individual compound ng archery, habang ang chess team ay umani rin ng dalawang silver.
Si GM John Paul Gomez ay nanalo kay Tirta Chandra Purn ng Indonesia sa ninth at final round para makasalo kay Le Quang Liem ng Vietnam sa kanilang tig-7.0 points.
Ngunit tinalo siya ni Le sa seventh round para makuha ng Vietnamese ang gold medal.
Sina Oliver Barbosa at Catherine Perena ay may silver naman sa mixed individual standard chess.
Si Eric Paniqui ay nakapanorpresa nang kunin ang silver sa men’s marathon (2:28:260 na kung saan ang nagdedepensang kampeon na si Eduardo Buenavista ay nalaglag sa bronze medal lamang.
Hindi rin pinalad si Francisco dela Cruz na masungkit ang gold matapos yumuko sa kalabang si Ma Minh Cam, 70-100, ng Vietnam sa 1 carom singles cushion.
Tangan ang 15 ginto, 27 pilak at 32 bronze medals, ang Pilipinas ay napako na sa pang anim na puwesto, habang ang host Indonesia ay milya-milya na ang inilalayo sa mga katunggali sa nalikom na 86 gold, 64 silver at 68 bronze medals sa overall standings.
Ang aksyon ay nasa ikalawang puwesto dahil ang Vietnam ang umabante sa Thailand nang magkaroon ng 53 ginto, 54 pilak at 59 bronze medals.