PALEMBANG –-- Bubuksan ni Rene Herrera ang asam na maningning na kampanya ng bansa sa pagsisimula ng track and field event dito sa Jakabaring Sports City.
Si Herrera ang isa sa pitong gold medalist ng athletics sa 2009 Laos SEA Games na kasama sa delegasyon at magtatangkang ipagpatuloy ang magandang laban mula sa atleta ng PATAFA na pinamumunuan ni Go Teng Kok.
Pakay ni Herrera ang ika-limang SEAG gold medal sa paboritong event dahil hari siya sa steeplechase mula pa noong 2003 SEA Games sa Hanoi, Vietnam.
Ang iba pang lalaban sa gintong medalya sa unang araw ng kompetisyon ay sina Henry Dagmil at Benigno Marayag sa men’s long jump, Eliezer Sunang sa men’s shotput at Rosale Sermona sa women’s hammer throw.
Sina Julius Nierras at Archand Christian Bagsit ay tatakbo sa heats ng 400-meter run.
“Excited kami this year dahil bukod sa malalakas pa ang mga beterano namin, may mga batang atleta na isinama namin na puwedeng manalo ng medalya. Isa na si Sunang at Marayag. I hope we can retain all the seven gold medals we won in 2009 and come up with some surprises in other events,” wika ni Go na nasa Palembang upang personal na suportahan ang kanyang manlalaro.
Sina Arniel Ferrera, Danilo Fresnido at Josie Villarito ng javelin throw, Marestella Torres ng long jump at Eduardo Buenavista at Jho-An Banayag sa marathon ang iba pang Laos gold medalist na kasapi sa koponan.