Unang gold ng Pinas magmumula sa canoe
MANILA, Philippines - Sa larong canoe-kayak inaasahang magmumula ang kauna-unahang ginto ng Pilipinas sa 26th SEA Games sa Indonesia.
Si Danny Funelas ang siyang tinokahan na magbigay ng unang medalya sa bansa sa araw na opisyal na bubuksan ang kompetisyon sa Nobyembre 11.
Limang ginto ang paglalabanan sa araw na ito at ang 23-anyos na si Funelas ay lalaro sa canoe-single’s 1000-meter na kung saan siya sasandalan ng medalya.
“Siya ang panlaban natin dahil siya ang lumabas na pinakamabilis sa Southeast Asia sa Asian Championships sa Iran last month,” wika ni Philippine Canoe-Kayak Federation (PCKF) secretary-general Jonne Go.
Tumapos sa pampitong puwesto si Funelas sa Asian Championships at ang inaasahang kalaban niya rito ay ang Vietnam at host Indonesia na nalagay sa ikawalo at siyam na puwesto.
Ang iba pang events ni Funelas ay sa 200-m canoe-singles at sa canoe-double sa 1000-m at 200-m events katambal si Norwell Cajes.
Kasama ring lalaban ni Funelas ang kambal na si Alex at Alvin Generalao. Si Alex ay isasagupa sa kayak-single sa 1,000-meter at 200-m at makakasama ang kapatid na si Alvin sa K-2 sa 1,000-m at 200-m karera.
Sa Cipule Lake sa Purwakarta sa West Java gagawin ang tagisan at ang Pilipinas ay maghahangad na higitan ang pinakamagandang pagtatapos na naitala ng isang rower na nangyari noong 2005 Philippine SEA Games nang umani sina Jeremiah Tambor at John Oliver Victorio ng pilak sa 500-m canoe double event.
- Latest
- Trending