MANILA, Philippines - Gagamitin din ni Dennis Orcollo ang tagisan nila ni Ralf Souquet ng Germany bilang kanyang tune-up para sa paglahok sa 26th Southeast Asian Games sa Indonesia mula Nobyembre 11 hanggang 22.
Si Orcollo ay makikipagsukatan kay Souquet sa Nobyembre 5 sa unang edisyon ng Philippine Bigtime Billiards (PBB) Face Off Series sa Pagcor Airport Casino, Parañaque City.
“Naghanda ako sa labang ito at magandang training din ito bago sumali sa SEA Games,” wika ni Orcollo.
Masidhi rin ang hangarin ni Orcollo na manalo dahil naisahan siya ni Souquet nang nagtagisan sa kampeonato ng World Pool Masters finals noong nakaraang buwan sa 8-5 iskor.
Si Souquet ay darating sa bansa sa Nobyembre 2 at magkakaroon pa ng ilang araw para makapaghanda sa race-to-9,10 ball event na handog ng Mega Sports Wold at BRKHRD Corp. sa pakikipagtulungan ng PAGCOR, PCSO, ACCEL, Diamond Table, Predator Cues Simonis cloth, San Miguel Beer Pale Pilsen, Malungai Life Oil, I-Bar, Human Plus Probiotics, Golden Leaf Restaurant, Hermes Sports, Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP) at Philippine Star.
Ang iba pang tagisan sa PBB ay katatampukan nina Carlo Biado at Souquet sa Nobyembre 12, Ronato Alcano at Daryl Peach ng Great Britain sa Nobyembre 19 at Peach laban kay Francisco “Django” Bustamante sa Nobyembre 26.