Marquez kumuha ng espesyalista
MANILA, Philippines - Para matiyak na sasagupa siya kay Manny Pacquiao na nasa tamang kondisyon at timbang, ilang espesyalista ang kinuha ni Juan Manuel Marquez sa kanyang training camp.
Ang nasabing mga espesyalista ang siyang sumusuri sa timbang at pisikal na kondisyon ng 38-anyos na Mexican world lightweight champion bago lumaban sa Filipino world eight-division king sa Nobyembre 12 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
“I feel that I have gained the right kind of power to deal with Pacquiao,” sabi ni Marquez, ang kasalukuyang WBA Super World lightweight at World Boxing Organization (WBO) lightweight titlist.
Sa kanilang unang pagkikita ni Pacquiao noong Mayo 8, 2004, tatlong ulit humalik sa lona si Marquez bago naitakas ang kontrobersyal na draw para mapanatiling suot ang World Boxing Association (WBA) Super World featherweight at International Boxing Federation (IBF) featherweight belts.
Isang split decision naman ang nakuha ni Pacquiao sa kanilang rematch ni Marquez noong Marso 15, 2008 kung saan niya inagaw sa huli ang suot nitong World Boxing Council (WBC) super featherweight belt.
Sa sumunod na taon ay umakyat sa welterweight division si Marquez kung saan siya tinalo ni Floyd Mayweather, Jr. via unanimous decision noong Setyembre 19, 2009 sa isang non-title fight.
Ayon naman kay Pacquiao, magiging ibang laban ang mapapanood ng mga tao sa kanilang 'trilogy' ni Marquez.
“Definitely, the third fight is going to be a good fight,” wika ng 32-anyos na si Pacman. “It's going to be a lot of boxing because we know each other.”
- Latest
- Trending