Mga paborito sa Binay GP badminton nagpaparamdam na
MANILA, Philippines - Kaagad na kumuha ng kanilang mga panalo sina Toby Gadi at Paul Vivas sa men’s Open singles sa fourth leg ng VP Binay Grand Prix Badminton Open Championships-PBaRS kagaya nina Bianca Carlos, Elisha Ongcuangco at Malvinne Alcala sa girls’ Under-19 side kahapon sa Powersmash sa Makati.
Tinalo ni Gadi si Kevin Alcantara, 21-10, 21-18, sa hangaring mawalis ang naturang four-leg event na naglalatag ng premyong P1 milyon at dagdag na puntos sa national ranking.
Ang second seeded namang si Vivas ang gumiba kay Allen del Mundo, 21-15, 21-18, sa torneong suportado ng PLDT Smart Foundation, Robinsons Mall, Gatorade at official equipment sponsor Victor, exclusively distributed ng PCOME Industrial Sales, Inc.
Gumawa naman ng eksena si Andrei Babad ng Phl-Victor nang gulatin si No. 7 Ariel delos Santos, 21-17, 25-23, para sa kanilang third round showdown nila ni Arthur Espiritu, bumigo kay Christian Torres, 21-18, 21-13.
Tinalo ni No. 3 Gabriel Magnaye si Reden Cuden, 21-6, 21-8; pinayukod ni No. 4 Joper Escueta si Ramon Dalo, 22-20, 21-14; sinisiw ni No. 5 Wilfred Natividad si Angelo Ticala, 21-9, 21-6; nanalo si No. 6 Jaime Junior Jr. via default kay Jaime Villanueva; tinagpas ni No. 8 Kevin Dalisay si Jon Masongsong, 21-18, 16-21, 21-10; hiniya ni No. 9 Carlos Cayanan si Patricque Magnaye, 21-17, 21-16; at tinalo ni No. 10 Charlo Tengco si Vince Tan, 21-15, 21-9.
Pinasadsad naman ni Carlos, hangad mawalis ang U-19 titles sa event na itinataguyod ng Philippine Badminton Association at suportado ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee, si Thea Pomar, 21-9, 21-11, para sa kanilang third round duel ni Ingrid Obnial, nagtala ng 21-7, 21-6 tagumpay laban kay Caitlin Yu.
- Latest
- Trending