Orcollo, Cuartero rumatsada; Biado pinayukod ni De Luna
MANILA, Philippines - Kasabay ng kabiguan ni Carlo Biado sa 9-ball competition, umagaw naman ng eksena sina World No.1 Dennis Orcollo at Allan Cuartero sa National Pool Championships noong Huwebes ng gabi sa Star Billiards Center sa Grace Village, Quezon City.
Pinadapa ni Orcollo si Marvin Tapia, 9-4, para sa kanyang pangalawang sunod na panalo sa 9-ball competition.
Unang tinalo ni Orcollo, ang kasalukuyan ring world 8-ball champion, si Alexander Arenal, 9-7, sa 9-ball opener bago isinunod si Tapia para itakda ang kanilang third round match ni Arvi Tanega.
Tatlong panalo ang kinuha ni Cuartero kontra kina Judy Villanueva, 9-6; Jeff Diaz, 9-7; at Richard Alinsub, 9-8.
Umiskor rin ng tatlong tagumpay sina Jericho Banares, Roberto Gomez at Rene Cruz.
Iginupo ni Banares sina Johann Chua, 9-5; Cocong Acaba, 9-3; at De Luna, 9-7; habang ginitla ni Gomez sina Ramon Mistica, 9-4; Mario Tolentino, 9-8; at Jogjakarta 9-ball champion Victor Arpilleda, 9-7.
Yumukod naman si Biado kay De Luna, 3-9, sa kanilang laban sa 8-ball noong Miyerkules.
- Latest
- Trending