MANILA, Philippines - Muli na namang nakalusot si Carlo Biado kontra kay world No.1 at World 8-Ball champion Dennis Orcollo sa ikalawang pagkakataon sa limang buwan para magbigay ng kanyang senyales sa titulo sa 8-Ball event at grand championship ng 2011 BSCP National Pool Championships.
Tinalo ni Biado si Orcollo, 8-5, kamakalawa ng gabi sa Star Billiards Center tungo sa pag-abante sa finals ng torneong ito na magsisilbing basehan sa qualifying event sa World Pool Summit.
Isang semifinalist sa World Ten Ball Championship at isa sa mga manlalaro na nakaakyat sa world rankings, makakalaban ni Biado si Allan Cuartero, na nakalusot din kay Ricky Zerna, 8-7 sa finals.
Nakapasok si Biado sa semifinals matapos bokyain si Johann Chua, 8-0. Ito din ang nagbigay ng kumpiyansa kay Biado para ungusan si Orcollo isa sa top player sa buong mundo na biniktima niya sa WTBC nitong Mayo.
Sa pagpasok sa finals, isa lamang ang naglalaro sa isipan ni Biado na makaganti mula sa dikitang 8-7 decision na pagkatalo kay Cuartero sa kaagahan ng 8-ball event.
Si Cuartero ay ang isa ding manlalaro na muntik ng daigin si Orcollo.