MANILA, Philippines - Kumpiyansa ang Philippine Sports Commission (PSC) na makakakuha sila ng suporta mula kay Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III para sa pagpapatupad ng kanilang mga programa.
Ito ang sinabi ni PSC chairman Richie Garcia matapos na ring makausap si Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr. kamakailan sa Malacañang.
Ayon kay Garcia, mas gusto ng Presidente na suportahan ang mga sports na may malakas na tsansa ang bansang manalo ng kauna-unahang Olympic gold medal.
“Malinaw ang direktiba ni Presidente PNoy sa sports,” ani Garcia. “Gagawin ng Presidente ang lahat ng paraan para madagdagan ang ating pondo, pero mas bibigyan natin ng mas malaking pondo ang mga sports na talaga namang nagdadala ng karangalan sa bansa at malaki ang posibilidad na manalo sa Olympics.”
Naisumite na ng PSC sa Malacañang ang usapin hinggil sa mas tamang remittance mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), gayundin sa mga special races ng racing industries, sweepstakes draw ng Philippine Charity Sweeptakes Office (PCSO) at maging sa importasyon ng mga sports equipment.
“Kumbinsido ang Pangulong PNoy na mas mabibigyan natin ng suportang pinansiyal para sa training at international exposure ang mga atleta natin,” sabi ni Garcia.