P9.24M deal selyado na kay Raymundo sa B-Meg
MANILA, Philippines - Mula sa dating tinatanggap na maximum salary na P350,000, makakakuha na si Kerby Raymundo ng P420,000 bawat buwan sa 2012-13 season mula sa kanyang nilagdaang two-year contract extension deal sa B-Meg na nagkakahalaga ng P9.24 milyon.
Ang 6-foot-5 na si Raymundo ang unang PBA player na nakakuha ng benepisyo sa inaprubahang wage hike at bagong bonus scheme ng PBA Board of Governors.
Sa kanyang makukuhang P350,000 per month sa darating na 2011-12 season ng PBA, dagdag na P70,000 kada buwan ang kanyang matatanggap simula sa 2012-2013 season.
Ang won game bonuses naman sa elimination round at quarterfinals ay itinaas sa P6,000 mula sa dating P4,000, habang ang cash incentives na P8,000 at P10,000 ay ibibigay sa bawat panalo ng isang player sa semifinals at Finals.
Kung sinuwerte naman si Raymundo sa pagpirma ng cointract extension sa Llamados, minalas naman sina Mark Caguioa at Eric Menk ng Ginebra Gin Kings at Gabe Norwood ng Rain or Shine Elasto Painters.
Hindi nakakuha ng benepisyo sa wage hike sina Caguioa, Menk at Norwood bunga ng kanilang pagpirma ng kontrata bago pa man maaprubahan ng PBA Board ang naturang wage hike proposal ni PBA Commissioner Chito Salud.
Kasamang magbabalik ni Raymundo, nanggaling sa isang knee injury, para sa B-Meg sa darating na 37th season ng PBA na magsisimula sa Oktubre 2 ay sina Rico Maierhofer at Rafi Reavis.
Ang Llamados ay gagabayan ni bagong head coach Tim Cone, kumalas sa Alaska Aces matapos ang 22 taon na nagbunga ng 14 championships tampok ang Grandslam crown.
Ang kanyang assistant namang si Joel Banal, nagbigay sa Talk 'N Text ng una nitong PBA title noong 2003 All-Filipino Cup, ang siyang papalit sa 53-anyos na si Cone sa bench ng Alaska.
- Latest
- Trending