Bagong tahanan sa Phl archers

MANILA, Philippines - Mas diretso ang target ng mga miyembro ng Philippine national achery team matapos ipagkaloob ni sportsman/businessman Jun Sevilla ang bagong gawang FR Sevilla Archery Range sa Novaliches, Quezon City para magamit sa kanilang pagsasanay at paghahanda sa Southeast Asian Games.

Nagmistulang eskwater matapos mabigong mapalawig ang Memorandum of Agreement (MOA) para sa kanilang pagsasanay sa loob ng UP Diliman, buong pagpapakumbabang inialok at ibinigay ni Sevilla ang archery range para sa mga atletang nasa ilalim ng Philippine Archers National Network and Alliance, Inc.

Itinayo ni Sevilla ang world-class archery faci­lity sa loob ng kanyang nasasa­kupang lupain na may lawak na 1.5 ektarya na nagsisilbi ring opisina ng kanyang mga negosyo sa Barangay San Bartolome. Bukod sa target range, may dalawang athletes villas din para matulu­yan ng mga atleta lalo na yaong nagmula sa mga lalawigan gayundin ang canteen at gym.

Pinamunuan nina Phi­lippine Olympic Committee (POC) president Jose ‘Peping’ Cojuangco, Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte at dating Congressman Nenita Daza ang mga panauhin sa inagurasyon at pagbabasbas sa naturang archery range nitong Linggo.

Inaaasahan din umano ni Cojuangco na magiging daan ang bagong archey range upang mahikayat ang kabataang Pinoy na subukan at pasukin ang naturang sports na ipinapa­lagay na may kakayahang makapagbigay sa bansa ng kauna-unahang Olympic gold medal.

Ipinahayag naman ni Vice Mayor Belmonte, chairman din ng Quezon City Sports Development Program, ang pagsang­-a­yon dito at sinabing isasama na niya sa kanilang programa ang archery upang maituro sa mga es­tudyante sa pribado at pampublikong eskwelahan sa lunsod.

“Now that I found that a world-class archery range in now available in Quezon City, I will include archery in the list of sports the City Council has supporting through the years,” pahayag ni Belmonte.

Show comments