Krusyal na panalo puntirya ng Cardinals sa Stags
MANILA, Philippines - Kakapit pa ang Mapua sa mahalagang ikaapat na puwesto sa pagbangga sa San Sebastian sa pagpapatuloy ng 87th NCAA men’s basketball elimination round ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Sa 6-7 karta, kailangang mahanapan ng Cardinals ng solusyon kung paano tatalunin ang Stags sa kanilang alas-4 ng hapon na tagisan dahil posibleng mabuksan ang pintuan upang makahabol pa ang mga nasa ibabang koponan sa huling upuan na aabante sa Final Four.
Ang Lyceum at Arellano ay magtatagisan sa unang laro ganap na alas-2 ng hapon at parehong may tsansa pa ang dalawang koponan para makaiwas sa maagang bakasyon.
Ang panalo ng guest team na Pirates na sasabayan ng kabiguan ng Cardinals ay magtutulak upang magsalo ang dalawang koponan sa ikaapat na puwesto sa 6-8 baraha.
Pero para mangyari ito, dapat makahanap ng manlalarong ipapalit ang Pirates kay Allan Santos na pinatalsik na sa koponan ng paaralan sa taong ito.
Si Chris Cayabyab ang inaasahang hahataw sa pagpuntos ngunit puwersa sa ilalim ang dapat na maresolbahan ng Lyceum lalo nga’t ang Chiefs ay magbabalak na wakasan ang tatlong sunod na kabiguan sa larong ito.
Galing sa 67-69 overtime na kabiguan ang Cardinals sa kamay ng Letran pero dapat na magtrabaho ang koponan dahil hindi pa nga natitinag ang winning streak ng Stags.
Kumapit ang suwerte sa San Sebastian sa huling laro nang hindi naipasok ni Earl Thompson ang pampanalong jumper para maitakas ang 77-76 panalo.
Nananalig si Stags coach Topex Robinson na manunumbalik ang sigla ng kanyang koponan matapos ang nakakatakot na panalong ito.
“Parang boring na sa kanila ang basketball at kailangan namin ang ganitong panalo to perk them up,” wika nga ni Robinson na sasandal pa rin kina Calvin Abueva, Ronald Pascual at Ian Sangalang.
Sina Josan Nimes, Allan Mangahas at Yousef Taha naman ang sasandalan ng Cardinals para makuha ang panalo at makalayo pa sa mga naghahabol na koponan sa inookupahang posisyon.
- Latest
- Trending