Biboy, 66 iba pa, pasok sa BWC national's finals

MANILA, Philippines - Nagpagulong si dating world champion Biboy Rivera ng isang 12-game series na 2607 pinfalls para panguna­han ang ikalawang grupo ng mga national finalists sa 2011 Bowling World Cup sa Mall of Asia Center.

Nakapasok si Rivera sa national finals na nakatakda sa Setyembre 17, 18, 20, 21 at 23 kasama ang 42 iba pang male at 26 female pintopplers.

Kabuuang 74 bowlers, 42 rito ay lalaki at 32 babae, ang nakapasok na sa unang center finals na idinaos sa 14 venues mula Hulyo 8 hanggang 14. Kasama rito sina six-time world titlist Paeng Nepomuceno at top Asian lady bowler Liza del Rosario.

Ang mga national finalists ang mag-aagawan para sa karapatang katawanin ang bansa sa 47th BWC interna­tional finals sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 7, 2011 sa Northcliff Bowling Center sa Johannesburg, South Africa.

Ang unang eliminasyon para sa national finals ay sa Setyembre 17 (men) at Setyembre 18 (ladies) sa Co­ronado Lanes, habang ang ikalawang araw ay sa Setyembre 20 (men) at Setyembre 21 (ladies) sa Paeng’s Midtown at ang quarterfinals hanggang finals ay sa Setyembre 23 sa SM MOA.

Show comments