No. 2 slot sa semis inupuan ng Letran; 13th dikit naman sa Baste
MANILA, Philippines - Uminit ang laro ni Kevin Alas sa ikatlong yugto para pangunahan ang Letran sa 88-74 panalo sa Lyceum sa pagpapatuloy ng 87th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Tumapos si Alas taglay ang career high na 29 puntos bukod pa sa 11 assists at 10 puntos ang kanyang ginawa sa ikatlong yugto para bigyan ang Knights ng 64-54 kalamangan papasok sa huling yugto.
Ito ang ikapitong sunod na panalo ng Knights tungo sa pumapangalawang 11-2 baraha upang maselyuhan na rin ang ikalawang puwesto sa Final Four.
Tinalo ng San Sebastian ang College of St. Benilde sa ikalawang laro sa 86-70 iskor at dahil dito, ang Pirates at Blazers ay nalaglag sa 5-8 karta at sampung panalo lamang ang magiging best finish ng dalawang ito sakaling walisin ang natitirang limang laro.
“Nawala kami sa semifinals last year after seven years at sinabi ko sa mga players na dapat ay makapasok kami ngayon sa Final Four. Dalawang linggo lamang kami nag-break at nagsimula na agad ng paghahanda. Kaya masaya ako at nasa Final Four na uli ang Letran,” wika ni coach Louie Alas.
Si Franz Dysam at Jam Cortes ay may tig-11 puntos habang ang starting center na si Raymund Almazan ay humablot ng 14 rebounds at may 2 blocks upang isama sa 6 puntos.
Nalaglag sa ikatlong sunod na kabiguan ang Pirates na hindi na nagamit ang serbisyo ni Allan Santos matapos suspindihin ng paaralan hanggang matapos ang season na ito bilang disciplinary action.
Nangalabaw naman si Calvin Abueva tungo sa 27 puntos, 20 rebounds at 6 assists para pangunahan ang Stags sa tagumpay.
May 20 puntos at 11 boards si Ian Sangalang upang tulungan ang Stags na hawakan ang 60-3 bentahe sa rebounding. (AT)
Letran 88 – Alas 29, Dysam 11, Cortes 11, Cruz 8, Kristoffer Alas 8, Almazan 6, Belorio 5, Racal 4, Espiritu 3, Pantin 2, Lituania 1, Mendoza 0.
Lyceum 74- Laude 14, Mallari 13, Guevarra 12, Francisco 10, Cayabyab 9, Ko 7, Napiza 6, Lacap 3, Lesmores 0, Azores 0.
Quarterscores: 19-17, 41-37, 64-54, 88-4.
- Latest
- Trending