Dagdag suweldo sa PBA players aprubado na ng Board
MANILA, Philippines - Inaprubahan na kahapon ng PBA Board of Governors ang panukalang pagdaragdag sa monthly salary ng mga professional basketball players at sa team annual wage.
Mula sa dating maximum monthly salary na P350,000 ay itinaas ito sa P420,000, samantalang ang team annual wage ceiling na dating P36 milyon ay pinalaki sa P42 milyon, ayon kay PBA Commissioner Chito Salud.
Mananatili naman ang minimum team pay cap sa P27 milyon.
Sinabi naman ni PBA Board chairman Mamerto Mondragon na dapat sundin ng mga PBA teams ang naturang mga bagong patakaran matapos magreklamo si Alaska team owner Wilfred Uytengsu hinggil sa paglabag ng ilang koponan sa salary at team cap.
“The PBA is a league of rules. I hope everybody lives by the rule,” ani Mondragon.
Bagamat inaprubahan ang pay hike, kailangan pa ring respetuhin ng mga koponan ang kasalukuyang kontrata ng kanilang mga players.
Ang maximum won-game bonus sa elimination at quarterfinal round ay itinaas rin sa P6,000 mula sa P4,000 at P6,000 hanggang sa P8,000 sa semifinals at buhat naman sa P8,000 ay lumaki sa P10,000 sa finals.
Samantala, pumirma ang tinanghal na top pick overall na si Jayvee Casio ng kontrata sa Powerade na nagkakahalaga ng P8.7 milyon sa loob ng tatlong taon.
- Latest
- Trending






















