MANILA, Philippines - Bukod sa Qatar at Jordan, plano ring kalabanin ng Smart Gilas Pilipinas ang Asian powerhouse Lebanon sa kanilang tune-up matches bago sumabak sa darating na FIBA-Asia Championship na nakatakda sa Setyembre15-25 sa Wuhan, China kung saan ang magkakampeon ang kakatawan sa Asya sa 2012 London Olympic Games.
Ito ang sinabi ni Nationals coach Rajko Toroman ukol sa pag-imbita nila sa mga Lebanese, ang 2010 Stankovic Cup champions at dating FIBA World Championship veterans.
Ang mga tune-up games ang siyang magbibigay kina Talk N' Text players Jimmy Alapag, Kelly Williams and Ranidel de Ocampo ng panahon para makuha ang sistema ni Toroman sa Smart Gilas.
Nakikipag-ensayo na si De Ocampo sa Nationals, habang kinumpirma na nina Alapag, ang 2011 PBA MVP, at Williams ang kanilang intensyong sumama sa grupo.
Inaasahan naman ang pagbabalik ni naturalized Marcus Douthit matapos ang isang two-week US vacation.
Ang mga exhibition matches ng Nationals laban sa mga Jordanians at Qatari ay nakatakda sa Setyembre 8-11 sa Manila.