Altas sumalo sa unahan sa table tennis

MANILA, Philippines - Dinurog ng Perpetual Help ang Mapua at San Se­bas­tian gamit ang 3-1 iskors para makasalo sa apat na koponang nangunguna sa pagsisimula ng 87th NCAA table tennis tournament sa Mapua Gym sa Intramuros, Manila.

Sinandalan ng Altas ang husay nina team captain Argel Carandang, Robert Rosales, Dennis Picondo, Vittorio Leocandio, Kenneth Igon at Adrian Remo upang makuha ng koponan ang 2-0 karta at makasalo sa nag­de­depensang San Beda, St. Benilde at Letran sa tuktok ng standings.

“We last won the table tennis title 11 years ago and we’re doing our best to end that title drought,” wika ni Perpetual coach Joselito Almazan.

Para gumanda pa ang paghahabol sa titulo, kaila­ngan ng Altas na manalo ng apat o limang laban kasama na rito ang laro kontra sa St. Benilde at Jose Rizal University ngayon sa nasabing palaruan.

Ang mangungunang apat na koponan matapos ang single round robin elimination ang aabante sa susunod na yugto na kung saan isa pang round robin ang mangyayari at ang mangungunang dalawang koponan ang maglalaban sa titulo.

Pero awtomatikong makukuha ng isang koponan ang titulo kung pangungunahan nila ang elimination at semifinals.

Samantala, kanselado naman ang laro sa NCAA beach volley sa La Salle Greenhills kahapon dala ng magdamagang pagbuhos ng malakas na ulan.

Show comments