MANILA, Philippines - Pinuri ni Cobra Energy Drink brand manager Jacinto Mendoza ang mga hinirang bilang brand ambassadors na sina Nonoy Jopson at Neil Catiil sa kanilang ipinakita sa idinaos na Cobra Ironman 70.3 Philippines kamakailan sa Camarines Sur.
“We’re very proud of them. They are proof that true Filipino champions never give up,” wika ni Mendoza.
Si Jopson ang lumabas bilang top overall Filipino age-grouper na nakapasok sa 2011 Ford Ironman World Championships sa Kona, Hawaii sa Oktubre 8 matapos makapagsumite ng 4:41:10 oras sa 70.3 karera.
Tumapos naman si Catiil sa ikatlong puwesto sa pangkalahatan sa mga Filipino triathletes na lumahok sa kanyang 4:38:10 oras.
Nanguna si Catiil matapos ang swim leg pero minalas na dumanas ng pulikat na naka-apekto sa kanyang ipinakita sa bike at run leg. Nagkaganito man ay ipinakita nito ang kanyang puso nang natapos pa rin ang karera kahit hirap na hirap.
Pinakamabilis sa hanay ng mga Filipino participants ay si Fil-Am at dating pambato ng bansa sa Olympic distance triathlon races Arland Macasieb sa kanyang 4:26:31 tiyempo habang pumangalawa ang dating national duathlon champion Augusto Benedicto sa 4:35:04 oras.
Si Pete Jacobs pa rin ang hinirang na kampeon sa ikalawang edisyon nang maorasan ng 3:51:43. Tinalo nito si Jesse Thomas (4:12:30) at Cameron Brown (4:12:54).
Kampeon naman sa kababaihan si Belinda Granger sa 4:24:23 habang ang dating pambato sa duathlon sa kababaihan na si Monica Torres ang pinakamatulin sa Filipina Elite na sumali sa 4:55:15 para mapanatili sa ikatlong taon ang kanyang local title.