MANILA, Philippines - Kapwa umiskor ng impresibong panalo ang Our Lady of Fatima University at Informatics kontra sa kani-kanilang kalaban upang manatiling walang talo sa pagbabalik aksyon ng 11th NAASCU men’s basketball championship sa UM gym sa Gastambide, Manila.
Kumamada si Jaynard Rivera ng 19 puntos at nag-ambag naman sina Dexter Rosales at Juvir Nsoga ng tig-12 puntos para sa Fatima.
Tumapos naman sina Cedriz Ablaza at McLean Sabellina ng tig-11 puntos para sa Olympians na lumasap ng ikalawang sunod na kabiguan matapos manalo ng dalawang laro kontra sa UM at AMA Computer University.
Umasa ang Informatics sa likod ng performance ni Mark Montuano na gumawa ng 12 puntos upang talunin ang Los Baños-based Stallions.
Samantala, nagpakatatag naman ang defending champion University of Manila sa endgame at igupo ang City University of Pasay, 102-72 at palakasin ang kanilang kampanya sa pagposte ng 3-1 kartada sa annual tournament na ito na inorganisa ni NAASCU president Dr. Ernesto ‘Jay’ Adalem ng host School St. Clare College-Caloocan.
Inilabas ni Eugene Torres ang pormang nagputong sa kanya ng MVP/ROY noong nakaraang taon matapos gumawa ng 19 puntos para sa Hawks.
Sa iba pang laro, pinayuko ng Centro Escolar University ang Saints sa iskor na 74-67 at pinigil ng AMACU ang New Era University, 75-71. Joy Miller Ong--trainee