MANILA, Philippines - Kagaya nina Kobe Bryant at Chris Paul, makikita rin sa aksyon sa isang two-game series si five-time champion Derek Fisher sa Hulyo 23 at 24 sa Araneta Coliseum.
Makakasama ang 36-anyos na si Fisher ng Los Angeles Lakers ang kanyang teammate na si Bryant at ang dating NBA Rookie of the Year na si Paul ng New Orleans Hornets sa eight-man star-studded NBA squad sa seryeng tinaguriang ‘Ultimate All-Star Weekend’ na inorganisa ng MVP Sports Fundation.
“Derek Fisher yes,” sabi ni MVPSF president Al Panlilio sa paglalaro ng pointguard.
Si Fisher ang magiging pang pitong miyembro ng NBA Selection bukod kina Bryant, tatayong head coach ng grupo, Paul, Tyreke Evans ng Sacramento Kings, James Harden ng Oklahoma Thunder, DeAndre Jordan ng Los Angeles Clippers at Derrick Williams ng Minnesota Timberwolves.
Sinabi ni Panlilio na ang pang walo at huling miyembro ng NBA Selection ay ihahayag sa susunod na linggo.
Ang dalawang sinasabing uupo rito ay alinman kina MVP Derrick Rose ng Chicago Bulls at two-time scoring champion at dating ROY awardee Kevin Durant ng Oklahoma Thunder.
Maaaring sumali si Fisher sa three-point shooting side-event mula sa kanyang pagiging shooter sa kanyang 15-year NBA career highlighted na tinampukan ng limang NBA championships sa Lakers.