Kawawang Meralco
Must-win ang sitwasyong kinaharap ng Meralco Bolts kontra Talk N Text noong Miyerkules subalit sinamang-palad na matalo sila, 93-91 at bumagsak sila sa 3-4 record.
Kung titingnang, parang puwede pa namang makapasok sa semifinal round ng PBA Governors Cup ang Bolts lalo na kung matatalo ang B-Meg sa Air21 na naglalaban habang isinusulat ang piyesang ito.
Ito’y kung magwawagi ang Meralco kontra Powerade Tigers sa Miyerkules at matatapos nang may 4-4 win-loss record.
Pero marami pa’ng ibang bagay kasi na puwedeng ikunsidera. Kasi nga’y wala namang playoff sa torneong ito, e. Pagkatapos ng eight-game elimination round ay laglag na agad ang huling tatlong koponan. Kapag may tabla, gagamitin ang quotient system.
So, kung magbabalik tanaw sa laro kontra Tropang Texters, masasabing nakapanghihinayang ang nangyari sa Bolts. Kasi nga’y lamang sila ng 12 puntos sa halftime break.
Pero papasok sa third quarter ay hindi na nila nakasama ang import na si Tim Pickett na nagtamo ng hamstring injury sa dulo ng second period. Gusto sana ni Pickett na maglaro pa sa endgame pero hindi na siya pinayagan ng mga team physicians.
Hayun, nakabangon ang Tropang Texters sa malaking kalamangan ng Bolts at nagwagi sila upang masungkit ang ikalawang semifinals berth at makasama ang Petron Blaze sa sumunod na yugto.
Kung titingnang maigi, talagang parang pinahirapan ang Meralco sa conference na ito, e. Kasi nga’y hanggang ngayon ay hindi pa nakapaglalaro ang dati nilang main man na si Mark Cardona na nagtamo ng injury. Kasama niyang hindi nakapaglaro sa torneo sina Marlou Aquino, Chris Ross at Chris Timberlake na nakuha nila nang walang kapalit buhat sa B-Meg.
Si Ross ay inoperahan sa tuhod at hindi na talaga nila makakasama hanggang sa katapusan ng season. Si Timberlake ay minsang nagamit kontra B-Meg pero walang napiga sa kanya. Si Aquino ay hindi naman talaga ipinapasok ni coach Paul Ryan Gregorio.
Ang talagang nami-miss ng Meralco ay si Cardona. kasi nga silang dalawa ni Solomon Mercado ang 1-2 punch ng Bolts. Kahit sabihing hindi pa buo ang chemistry sa dalawang manlalarong ito, mas maigi kapag nagsasabay sila. Kasi, nahihirapan ang kalaban na pigilan ang dalawang threat.
Ngayon ay mahaba ang playing time ni Mercado subalit nagpipilit na siya at hindi nagiging effective. Kasi nasosolo siyang dinedepensahan ng kalaban. So, kapag napigilan si Mercado, parang napigilan na rin ang Meralco.
Ika nga’y hindi buo ang rotation ni Gregorio. Hindi niya nama-maximize ang kanyang sandata. Hilahod ang kanyang koponan kaya nahihirapan siyang ipanalo ito.
Maganda sana ang mga numero ni Pickett. Biruin mong may 11 puntos, limang rebounds at apat na assists siya sa first half. Pero hindi nga siya nakapaglaro buhat doon. Sayang, hindi ba?
E, kung titingnang maigi’y tila mas mahusay itong si Pickett kaysa sa import ng Tropang Texters na si Maurice Baker. Buung-buo ngang nakapaglaro si Baker pero walong puntos lang ang kanyang naiambag.
Itinatanong ngayon ng karamihan sa Meralco fans kung makapaglalaro pa si Pickett. Walang linaw ang sitwasyong ito. Day to day ang pag-examine kay Pickett.
Kaya nga kahit na ang huling game ng Bolts kontra Powerade ay delikado din. Kung may tsansa pa ang Powerade na makarating sa semis tiyak na pupukpok ang Tigers!
- Latest
- Trending