MANILA, Philippines - Naipagpatuloy ni Carlo Biado ang magandang inilalaro sa 2011 World 9-Ball Championship nang makaabante na siya sa Last 16 na ginaganap sa Al Sadd Sports Club sa Doha, Qatar.
Umabot sa hill hill ang tagisan nila ng kababayang si Lee Van Corteza at pinalad si Biado na manalo sa ika-21st rack sa labanan sa Last 32.
Sunod na makakatapat ng manlalaro mula Bugsy Promotions na si Biado ay ang Japanese pool player Yukio Akakariyama na tinalo si Carlo Dalmatin, 11-8.
Dalawa pang Filipino pool players na sina Antonio Gabica at Vicenancio Tanio ay nakaalpas na rin sa Last 32 nang kalusin ang mga dayuhang kalaban.
Si Gabica na 2006 Doha Asian Games gold medalist ay nanaig kay Naoyuki Oi ng Japan, 11-6, habang si Tanio ay pinagpahinga ang isa pang Hapon na si LI Wen Lo, 11-6.
Makakatapat ni Gabica sa Last 16 si Mark Grey na nalusutan si Chris Melling, 11-10, habang mabigat na kalaban ang kay Tanio sa katauhan ni Ralf Souquet na kinalos naman si Mariusz Skoneczny, 11-2.
Sina Francisco Bustamante, Dennis Orcollo, Ronato Alcano, Antonio Lining at Caneda Villamor ay lumalaban pa sa Last 32 para mamuro ang Pilipinas na madagdagan pa ang mga lahok sa Last 16.
Si Orcollo ay makakatapat si Villamor; si Bustamante ay makakasukatan si Riyan Setiawan, si Alcano ay mapapalaban kay Raj Hundal at si Lining ay makakasukatan si Roman Hybler.
Namaalam naman na sina Allan Cuartero, Efren “Bata” Reyes, Joven Alva, Israel Rota, Jeff De Luna, Roberto Gomez at Raymund Faraon.
Si Cuartero ay nasibak kay Darren Appleton, 11-4, sa Last 32 habang si Reyes ay nabigo kay Villamor, 11-5; si Alva ay yumuko kay Chang Jun-lin, 11-5; si Rota ay natalo kay Chang Yu-lun, 11-9; si De Luna ay talo kay Fu Che Wei, 11-9; si Gomez ay pinagpahinga ni Daryl Peach,11-4 at si Faraon ay namaalam kay Stephan Cohen, 11-9 na lahat ay nangyari sa Last 64.
Halagang $250,000 ang premyong inilagay sa torneo at ang mananalo ay magbibitbit ng $36,000 gantimpala.