Manila, Philippines - Hindi nagpatumpik-tumpik pa ang mga pinagpipitaganang bilyarista ng Pilipinas na sina Dennis Orcollo at Efren “Bata” Reyes nang makapasok na sila sa knockout phase ng 2011 World 9-Ball Championship na ginaganap sa Al Sadd Sports Club sa Doha Qatar.
Hinarap ni Orcollo ang di gaanong kilala na si Jalal Yousef ng Venezuela at kanyang inilampaso ito, 9-3, para maalpasan ang group elimination mula sa winner’s bracket.
Wala ring hirap si Reyes na dinurog naman si Konstantin Stepanov ng Russia, 9-3, upang samahan si Orcollo na nakaabante mula sa Group A.
Anim pang Filipino cue artist na kabilang sa 128 pool players sa mundo na naglaro sa group eliminations ang nakaabante na sa Last 64.
Ang nagdedepensang kampeon na si Francisco Bustamante ay nanalo kay AlazmiMajed ng Kuwait, 9-4, sa Group D, si Carlo Biado ay nangibaaw kay Le Gun Kae ng Korea sa Group D; si Oliver Medenilla ay nanalo kay Nguyen Phuong Thao ng Vietnam, 9-6, sa Group G; si Jeff De Luna ay nanaig kayRiyan Setiawan ng Indonesia, 9-4, sa Group H, si Allan Cuartero ay umabante sa 9-5 panalo kay Marcus Chamat ng Sweden sa Group L at si Antonio Lining ay may 9-4 tagumpay kay Tohru Korubayashi ng Japan sa Group P.
Hindi naman nasustinihan ni Ronato Alcano ang kanyang huling panalo matapos malaglag sa loser’s brackets makaraang lumasap ng 9-8 kabiguan sa mga kamay nina Radoslaw Babica sa Group M at Israel Rota na yumuko naman kay Chang Yu Lun ng Chinese-Taipei, 9-3, sa Group K.