MANILA, Philippines - Nakitaan ng determinasyon ang NLEX upang ilampaso ang Cebuana Lhuillier, 76-62, sa pagbubukas ng PBA D-League Foundation Cup Finals kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sa first half pa lamang ay ipinaramdam agad ng Road Warriors ang masidhing hangarin na makauna sa maigsing best-of-three series nang hawakan ang 36-24 kalamangan.
Mga matitinding runs ang ginawa nga ng Road Warriors upang hindi pahintulutan ang asam na makabalik sa laro ng Gems upang makuha ng NLEX ang 1-0 kalamangan at mangangailangan na lamang na manalo pa sa Huwebes upang hiranging kauna-unahang kampeon ng liga.
“Maganda ang inilaro namin dahil preparado kami. Kahit ang depensa ay maganda at nasunod ang plano namin na limitahan lamang sa 60 puntos ang kalaban,” wika ni coach Boyet Fernandez.
Tatlong manlalaro ng Road Warriors na sina Ronald Pascual, Rogemar Menor at Chris Hodge ang bumandera sa opensa sa kanilang 19, 14 at 10 puntos habang ang 6’6 Fil-Am na si Hodge ay may pitong supalpal pa.
Si Allein Maliksi ay mayroong 21 puntos, 16 sa second half, pero mag-isa lamang niyang binalikat ang tropa ni coach Luigi Trillo dahil wala nang ibang kakampi ang umiskor ng doble-pigura.
Sampung sunod na puntos ang ginawa ni Maliksi upang idikit ang koponan sa 38-44.
Pero hindi nataranta ang NLEX nang gumanti sila ng 16-9 run para lumayo sa 13 puntos, 60-47, sa kalagitnaan ng huling yugto.
“Masaya ako at nakauna kami pero hindi pa tapos ang serye at alam kong gagawin nila ang lahat para manalo sa game two. Kaya balik kami sa ensayo at mag-focus sa susunod na laro,” dagdag pa ni Fernandez.
NLEX 76 – Pascual 19, Menor 14, Hodge 10, Raymundo 8, Abueva 8, Salamat 7, Ellis 7, Taganas 2, Dehesa 2, Sangalang 1, Co 0.
Cebuana Lhuillier 62 – Maliksi 21, Mepana 9, Fernandez 8, Mandani 7, Hayes 5, Sena 4, Semira 3, Nabong 2, Canta 2, Lee 0, Elinon 0.
Quarterscores: 19-17; 36-24; 53-47; 76-62.