Isa na lang sa QC

Manila, Philippines - Lumapit sa isang pa­na­lo ang Quezon City sa hanga­ring makuha ang ti­tulo sa 2nd Coca-Cola Hoopla ng manalo sila sa Taguig, 91-84, na nilaro nitong Biyernes sa Hagonoy Gym, Taguig.

Hindi umubra ang ipinakitang mainit na suporta ng manonood sa Taguig nang iwanan agad ng kopo­nang suportado ni Vice Mayor Joy Belmonte ang host, 49-34.

Bumangon pa naman ang Taguig at nakalamang pa sa 64-59 sa mga tres nina Marcy Portuguez, Law­rence Pumaris at Christian Barro.

Ngunit gumanti ang da­yong koponan ng pamatay na 11-4 bomba para ibalik ang momentum sa laro na kanila nang pinangalagaan.

“Sinabihan ko sila na hindi lang puso sa puso kundi tapang at tibay ng dib­dib ang dapat naming ipakita dahil dayo kami at maganda naman ang tugon ng mga bata,” wika ni QC coach Rene Baena.

Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Quezon City sa Taguig, ang una ay sa pamamagitan ng 109-71 tagumpay sa Inter-Zonal.

 Kailangan na lamang ng QC na maipanalo ang Game Two na nilalaro habang isinusulat ang balitang ito.

Inangkin naman uli ng Caloocan ang ikatlong puwesto nang talunin ang Antipolo sa one-game battle for third, 76-73.

Naibulsa ng Caloocan ang P75,000 premyo habang P50,000 naman ang napunta sa Antipolo.

Show comments