MANILA, Philippines - Nagsanib sa kabuuang 68 puntos ang mga imports ng Al Itiihad-Saudi Arabia para makuha ang huling puwesto sa quarterfinals sa Group A sa 2011 FIBA Asia Champions Cup sa pamamagitan ng 98-76 panalo sa KL Dragons-Malaysia sa pagtatapos kahapon ng group elimination sa Philsports Arena, Pasig City.
May 36 puntos si Darren Kelly kasama ang 7 of 11 shooting sa tres, habang 32 puntos bukod pa sa 16 rebounds ang ginawa ni Vladislav Dragajlovic upang makuha ng Saudis ang ikalawang panalo sa apat na laro.
Isang 13-0 bomba ang ibinulaga ng Al Ittihad sa pagbubukas ng ikalawang yugto upang maibaon na ang kalaban na naagwatan lamang ng isang puntos, 25-24, matapos ang unang sampung minuto ng labanan.
Nanalo man ng malaki ay hindi naman natuwa si Saudi coach Ninad Krazdic lalo na sa kanilang depensa.
“We won by a big margin. But I’m not happy with the way we defended in the first quarter. If we play like this, we’re in for a tougher outings,” wika ni Krazdic.
Matapos makaiskor ng 24 ay bumaba naman nang bumaba ang puntos ng Malaysia nang magtala lamang ng 18, 17 at 17 sa sumunod na tatlong quarters para malaglag na sa kompetisyon sa 0-4 karta sa Group A.
Ang iba pang koponan sa group A na nakaabante na ay ang Smart Gilas Pilipinas (3-0), ASU-Jordan (3-0), at Duhok Iraq (1-3).
Ang Gilas na nanalo sa Duhok-Iraq, 74-64, nitong Martes ng gabi ay nakikipagtagisan pa sa Jordan para sa pangunguna sa Group A habang sinusulat ang balitang ito.
Tinapos naman ng nagdedepensang Mahram ng Iran ang kampanya sa Group B taglay ang 3-1 baraha sa bisa ng 81-64 panalo sa Al Rayyan ng Qatar sa isa pang laro.
SAUDI ARABIA 98--Kelly 36, Dragajlovic 32, Aljuhani 12, Almaghrabi 7, Kabe 5, Ibrahim 4, Alharbi 2, Alshamrani 0, Almadani 0.
MALAYSIA 76 – Loh 19, Morrison 17, Ayer 15, Ho 9, Batumalai 6, Kwaan 6, Ooi 4, Kuppusamy 0, Chin 0, Ng 0.
Quarterscores: 25-24, 63-42, 76-59, 98-76.