Manila, Philippines - Hindi aatras si Juan Manuel Marquez sakaling matuloy ang laban nila ni David Diaz ilang buwan bago ang mas malaking sagupaan nila ni Manny Pacquiao sa Nobyembre 12.
Si Diaz ay inaalok ng laban ni Marquez para sa hawak ng huli na WBA at WBO lightweight titles na itinakda sa Hulyo 16 na maaaring gawin sa Mexico .
Wala pang linaw kung mangyayari ito dahil sinasabing mataas ang presyong gusto ni Diaz para tanggapin ang laban.
Umaasa naman si Marquez na maidaraos ito dahil naniniwala siyang malaki ang magagawa ng labang ito sa kanyang preparasyon laban sa kasalukuyang pound for pound king at unang boksingerong nanalo ng walong titulo sa magkakaibang dibisyon.
“He is left handed and is strong. That will help in my fight with Pacquiao,” wika ni Marquez sa panayam ng Boxing Examiner.
Nagsimula na nga ng pagsasanay si Marquez dahil kailangan niyang maikondisyon ang sarili dahil mahaharap siya sa matinding laban sa ikatlong pagtutuos nila ni Pacman.
Si Diaz ang dating WBC lightweight champion na tinalo ni Pacquiao sa pamamagitan ng 9th round TKO noong Hunyo 28, 2008.
Halos kasing-taas din ni Diaz si Pacquiao kaya’t ang diskarteng nais gawin ni Marquez ay maaari niyang isubok sa 34-anyos American boxer na may 36 panalo sa 40 laban kasama ang 17 KO.
Bagamat natalo ng TKO kay Pacquiao, hindi naman maaaring maliitin ang kakayahan ni Diaz na makapanggulat kay Marquez lalo nga’t dalawang panalo ang inukit nito sa huling tatlong laban na ginawa kina Jesus Chavez noong 2009 at kay Robert Frankel nitong Enero 28.
Ang tumalo sa kanya ay si Humberto Sotto noong Marso ng 2010 para sa bakanteng WBC lightweight title.
Kasama sa paghahanda ni Marquez kay Pacquiao ang pagkuha rin sa mga doktor na siyang tutulong upang di mawala ang kanyang angking bilis kahit aakyat sa 144 pounds na siyang catchweight sa pagtutuos nila ng kasalukuyang Kongresista ng Sarangani Province.