Marquez OK na kay Pacquiao
MANILA, Philippines - Tuloy na ang laban nina Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez sa Nobyembre.
Mismong ang Pambansang kamao na si Pacquiao ang nagsabi nito sa panayam ng ABS-CBN nitong Linggo kasabay ng ibinigay na victory party sa kanya ng kaibigang si Ilocos Sur Governor Luis ‘Chavit’ Singson.
“Tuloy na po yun, abangan ninyo,” wika ni Pacquiao nang tanungin ang estado ng planong ikatlong laban nila ni Marquez.
Nauna nang pumirma ng kontrata si Marquez na kung saan bibigyan siya ng garantiyang $5 milyon bukod pa sa Pay Per View shares kapag tumabo ito ng mahigit na 750,000 buys.
Wala na rin ang pinangangambahang pagpigil ng Golden Boy Promotions dahil mismong si Richard Schaefer na GBP CEO ang nagsabing hindi na nila pipigilan ito at magpapaubaya na lamang.
Nasabi na ni Top Rank promoter Bob Arum na magugustuhan ni Pacquiao ang mga detalye ng laban na ito matapos makipag-usap sa adviser nitong si Michael Koncz.
Si Koncz ay inaasahang darating ng bansa sa linggong ito para ipakita ang kontrata ng sagupaan.
Sa Nobyembre 12 itinakda ang sagupaan na ikalawang pagsampa ng ring ni Pacquiao matapos ang matagumpay na pagdepensa sa hawak na WBO welterweight title laban kay Shane Mosley na natalo sa pamamagitan ng one-sided unanimous decision.
Idedepensa sa ikatlong pagkakataon ni Pacquiao ang titulong inagaw kay Miguel Cotto noong 2009 kay Marquez pero sa halip sa regular na 147-pound timbang ito gagawin, sa catchweight na 144-pound gagawin ang bakbakan.
Kumbinsido si Arum na tatauhin ang ikatlong pagkikita dahil nauwi sa kontrobersya ang naunang dalawang laban na nangyari noong 2004 at 2008.
Nagtabla sina Pacquiao at Marquez sa unang pagtutuos kahit bumulagta ang Mexican warrior ng tatlong beses sa unang round pa lamang.
Nanalo naman ang kasalukuyang pound for pound king at Kongresista ng Sarangani Province sa ikalawang pagtutuos gamit ang split decision dala na rin sa pagkatumba ni Marquez sa ikatlong round.
Hindi naman bababa sa $20 milyon ang kikitain ni Pacquiao sa laban nila ni Marquez dahil ganito na ang ibinayad sa kanya sa huling laban.
- Latest
- Trending