Patrombon sibak na sa F5 Futures
Manila, Philippines - Nagtapos ang kampanya ni Jeson Patrombon sa idinadaos na F5 Futures sa Chennai, India nang matalo siya sa singles at doubles competitions laban sa second seeds na katunggali.
Hindi nakapitalisa ng 17-anyos ang mga break na dumating sa kanya sa laro nila ng 6’5 Vishnu Vardhan ng India para lasapin ang 6-4, 6-3, kabiguan sa second round ng singles.
Bigo rin sina Patrombon at Indian netter Arjun Kadhe na sakyan ang momentum nang manalo sa second set upang mapatalsik sa doubles sa pamamagitan ng 6-1, 3-6, 10-8 iskor sa second seeds Junn Mitsuhasi ng Japan at Christopher Rungkat ng Indonesia.
Hindi man nakaabante pa, ang pagkapasok sa second round sa $10,000 torneo ay sapat naman para makuha ng number 10 sa ITF juniors ranking ng ATP points upang magkaroon ng ranking sa men’s circuit.
“It was the right decision to start Jeson early in the men’s level and he is improving and adapting fast at this level,” wika ni coach Manny Tecson.
Ito ang ikatlong men’s circuit ni Patrombon sa India at unang pagkakataon na nakalaro siya bilang qualifier sa main draw sa nasabing torneo.
Sa torneong ito rin niyang nakuha ang unang panalo sa men’s circuit na nagresulta upang makakuha na rin si Patrombon ng respeto sa ibang kalahok.
- Latest
- Trending