Patrombon may ibubuga sa men's circuit, pasok sa main draw
MANILA, Philippines - May ibubuga si Jeson Patrombon sa men’s circuit.
Ito ang nakita sa 17-anyos tubong Iligan City netter nang isantabi niya ang pagsakit ng tiya at pagkatalo sa first set tungo sa 5-7, 7-6(1), 6-0, panalo kay Indian qualifier Ajai Selvaraj sa unang laro sa men’s singles sa F5 Futures sa Chennai, India.
Lumabas ang katatagan ni Patrombon nang nakita si Selvaraj na lumayo pa sa 4-1 sa second set at matiyagang binawi ang mga puntos upang manalo pa sa tie-break at maihirit ang deciding third set.
Sa set na ito tuluyang lumabas ang bangis ni Patrombon habang tila nauupos na kandila naman ang kalaban tungo sa dominanteng pagtatapos.
“It was a tough day today but it was just the will to win that got us through the first round,” bulalas agad ni coach Manny Tecson.
Pero dahil nasa main draw na kung kaya’t hindi na hinayaan pa ni Patrombon na masayang ang paghihirap matapos mangibabaw sa qualifying round.
Tiyak ng may ATP points na si Patrombon dahil sa pagkapasok niya sa main draw ng singles at doubles pero bukod sa puntos, ang respetong makukuha sa mga kalaban ang isa pang bagay na nais nilang makuha.
Sunod na kalaban ni Patrombon ay ang second seed na si Vishnu Vardhan ng India na pinagpahinga si Mike Vermeer ng Luxemburg.
Si Vardhan ang back to back champion ng circuit na ito nang manalo siya sa Chandigarh at Noida noong nagdaang linggo.
Pero handa si Patrombon na bigyan ito ng magandang laban lalo nga’t gumaganda na uli ang kondisyon ng junior netter na nasa ika-10 puwesto sa mundo.
Lalaro rin si Patrombon at partner Arjun Kadhe ng India sa quarterfinals ng doubles laban kina second seeds Junn Mitsuhashi ng Japan at Christopher Rungkat ng Indonesia.
- Latest
- Trending