MANILA, Philippines - Hindi nasayang ang dalawang di magandang ipinakita ni Jeson Patrombon sa naunang nilahukan na men’s futures.
Sa ginaganap na ITF Men’s Futures 5 sa Chennai, India, nakuha rin ni Patrombon ang mailap na panalo nang kalusin niya si Bharatam Balajee ng India, 6-2, 6-1, sa unang laro sa qualifying round.
Ang tagumpay ay naglinya sa 17-anyos top junior player ng bansa, na makausad sa main draw ng $10,000 torneo sakaling manalo siya kay Edwin Antony ng India na ginulat ang fourth seed na si Nebojsa Peric ng Serbia, 6-3, 6-3, sa ikalawang laro.
Masaya naman si coach Manny Tecson dahil sa nailabas ni Patrombon ang tunay nitong laro laban kay Balajee.
Sa naunang dalawang Futures na kung saan sa Chandigarh ay nakasali siya sa main draw bilang wild card berth, si Patrombon ay hindi nakalusot sa unang asignatura.
“Jeson played really well against Balajee. He is starting to feel more comfortable and his confidence is growing day by day,” wika ni Tecson.
Mahalagang makuha ni Patrombon ang unang panalo sa mas mahirap na men’s circuit upang tumaas ang kanyang morale bilang paghahanda sa mga susunod niyang Futures tournaments.
Nasa huling taon na ng paglalaro sa juniors si Patrombon kaya’t ngayon pa lamang ay isinasabak na siya sa ganitong klaseng torneo para maging bihasa na.