Lady Falcons, Altas maghihiwalay ng landas; magandang debut pakay naman ng Stags
MANILA, Philippines - Unahan sa ikalawang sunod na panalo ang pag-aagawan ng Perpetual Help at Adamson habang magpapakitang-gilas naman ang San Sebastian sa pagbabalik ngayon ng laro sa Shakey’s V-League sa The Arena sa San Juan City.
Walang kinuhang Thai import ang Lady Stags sa pagkakataong ito at isasandal ang kampanya sa dating manlalaro na ngayon ay guest player Suzanne Roces kasama sina NCAA MVP Joy Benito, Elaine Cruz at Mae Crisostomo.
Kung gaano kalakas ngayon ang Baste ay malalaman matapos nilang banggain ang Southwestern University sa tampok na laro dakong alas-4.
Mauunang magtutuos naman ang Perpetual Help at Adamson sa ganap na alas-2 ng hapon at ang mananalo ay mananatiling walang talo sa Group B sa ligang inorganisa ng Sports Vision at suportado ng Shakey’s Pizza bukod pa ng Accel at Mikasa.
Inaasahang magbibigay ng magandang laban ang Lady Cobras na nalusutan ang FEU sa limang set nitong Huwebes, 27-29, 30-28, 25-21, 19-25, 15-13, para maitabla ang karta sa 1-1.
Nanalo ang Lady Falcons sa unang asignatura laban sa University of La Salle-Bacolod, 25-23, 25-15, 25-22, straight sets panalo upang maipakita sa lahat ang kahandaan na makuha ang ikalawang sunod na titulo sa liga.
Mabangis pa rin sina Angela Benting, Pau Soriano, Angelica Vasquez at guest players Nerissa Bautista at Michelle Laborte at ang mga ito ang siyang manumuno uli laban sa Altas na isasandal kina April Ann Sartin, Angelique Dionela at Michelle Datuin.
“Galing ang kalaban sa panalo kaya hindi puwedeng magkumpiyansa at focus at discipline ang key para manalo,” wika ni Adamson coach Dulce Pante.
- Latest
- Trending