MANILA, Philippines - Huwag kayong magugulat kung isang araw ay si Jinkee Pacquiao naman ang inyong makita sa telebisyon.
Sa isang panayam kahapon, sinabi ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na bibigyan niya ng exposure si Jinkee habang abala si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao sa pagsasanay.
“We’re going to get some really huge exposure for Manny’s wife, Jinkee,” ani Arum. “We’re doing this like a presidential campaign. So, when her husband is training for the fight, you may see Jinkee appearing on different programs.”
Nakasama ni Pacquiao si Jinkee nang kanyang bisitahin si United States President Barack Obama sa Washington D.C. sa kanilang U.S. press tour ni Sugar Shane Mosley noong Pebrero.
Nakatakda namang maging bisita si Jinkee sa CBS talk show ni Julie Chen.
“Jinkee’s not coming to the U.S. until after Easter so, on April 29, she’s going to be a guest on a CBS talk show with Julie Chen,” sabi ni Arum.”I spoke to Jinkee about this on the media tour and she’s quite excited.”
Kasalukuyan nang nag-eensayo ang 32-anyos na si Pacquiao para sa kanyang pagdedepensa ng suot na world welterweight crown laban sa 39-anyos na si Mosley sa Mayo 7 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Itataya ni Pacquiao ang kanyang hawak na World Boxing Organization (WBO) welterweight belt laban kay Mosley.
Ikinatuwa ni Arum ang pagbibigay ng CBS, makakatuwang ang Showtime sa pagsasaere ng Pacquiao-Mosley fight, ng magandang promosyon sa nasabing laban.
“Besides the half hour show, the Fight Camp 360, they gave us a 60 second spot and a 30 second spot before the NCAA basketball games and that was just really huge exposure,” wika ni Arum sa tambalang Showtime/CBS.