Express iiwas mapusoy sa Aces para sa huling q'finals slot
MANILA, Philippines - Alam ni coach Bong Ramos na mababalewala ang itinalang three-game winning streak ng Express kung matatalo sila sa kanilang huling laro kontra Aces.
Kasalukuyang may 4-4 rekord ang Air21 katabla ang Rain or Shine sa ilalim ng semifinalists ng Talk ‘N Text (8-1) at Smart-Gilas (7-2), quarterfinalists Alaska (5-3), Barangay Ginebra (5-4) at Derby Ace (4-5) kasunod ang mga talsik nang Meralco (3-6), Powerade (2-7) at San Miguel (1-7).
Kung mananalo ang Express sa Aces ngayong alas-7:30 ng gabi ay awtomatiko na nilang maibubulsa ang ikaapat at huling quarterfinals seat sa 2011 PBA Commissioner’s Cup kasabay ng pagkakasibak sa Llamados.
“Three teams are already out and one team is hoping for us to lose,” sabi ni Ramos sa kanilang sitwasyon. “So there is pressure. And we’re the only team who’s playing na may bearing ang games.”
Kung magtatapos sa magkakatulad na 4-5 ang marka ng Rain or Shine, Derby Ace at Air21, aabante ang Elasto Painters at Llamados sa best-of-three quarterfinals series.
Hawak ng Derby Ace ang 1.15 sa quotient kasunod ang Rain or Shine (0.99) at Air21 (0.87).
Kung magtapos man na may magparehong 4-5 ang Llamados at Express ay papasok pa rin ang huli mula sa ‘winner over the other rule’ kung saan nila tinalo ang huli, 121-92, noong Marso 2.
Ngunit pinasasalamatan pa rin ni Ramos, naging mentor ng Brunei Barracudas sa nakaraang Asean Basketball League (ABL), ang Panginoong Diyos sa kanilang sitwasyon.
“Inilagay kami ng Diyos sa sitwasyon na ganito, sa ganitong challenging situation. It’s a privilege. Para sa akin, maliit na bagay but it’s a privilege na inilagay kami ng Diyos sa sitwasyon na ganito,” ani Ramos.
Nauna rito, maghaharap ang Elasto Painters at SMBeer sa unang laro sa alas-5:15 ng hapon sa no-bearing game.
- Latest
- Trending