Patrombon kinapos sa finals kay Whittington
MANILA, Philippines - Nagbayad si top seed Jeson Patrombon sa kanyang mga pagkakamali kontra kay second seed Andrew Whittington ng Australia para lasapin ang 6-2, 6-3 kabiguan sa finals ng 22nd Mitsubishi Lancer International Juniors Tennis Championships kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.
Umabot lamang sa isang oras at 20 minuto ang sagupaan dahil dominado ni Whittington ang kabuuan ng laban para makuha nito ang ikalawang sunod na ITF Grade I title.
Nanalo si Whittington sa Malaysia noong nakaraang linggo at tinalo rin niya sa finals si Patrombon at ang dalawa ngayon ay mayroong 2-2 karta sa kanilang head-to-head match up.
“I’ve been having good year since I have gotten ATP points and won two tournaments,” wika ng 17-anyos at 6-foot-2 na si Whittington.
Ang tubong Melbourne, Australia ay agad na umarangkada sa first set sa 3-0 tungo sa madaling 6-2 panalo.
Nag-ingay ang mga manonood nang ma-break ni Patrombon, nagdiwang ng kanyang ika-18th kaarawan kahapon, ang serve ni Whittington sa first game para sa 2-0 kalamangan.
Lumayo pa sa 3-1 si Patrombon pero sa halip na mataranta ay itinuon ni Whittington ang isipan sa laban.
Nagbunga ito dahil na-break niya ang world’s number 9-ranked netter sa sixth at eight game upang katampukan ang kinuhang limang sunod na game at makumpleto ang straight sets win.
“Pasensya na po ibinigay ko talaga ang best ko,” wika ni Patrombon, pinahiran ng pain killer ang sumasakit na binti bago ang nasabing laro.
- Latest
- Trending