Batang basketbolista dadagsa sa Jr. NBA NCR Selection Camp

MANILA, Philippines - Dudumugin ng mga ba­tang basketbolista ang Xavier Gym sa San Juan, Greenhills sa pagdaraos ng Manila-NCR Regional Selection Camp bilang bahagi ng 2011 Jr. NBA Philippines Program.

 Sampung campers ang kukunin sa camp na ito at isasama sa mga naunang napiling basketbolista para sa National Training Camp na gagawin sa Abril 9 hanggang 11 sa La Salle Green Hills.

 Ito na ang huling regional camp na gagawin sa taong ito at mangyayari matapos ang matagumpay na camp sa Laguna na kung saan umabot sa 310 bata mula sa Southern Tagalog ang humahok.

 Ang bilang na ito ang pinakamalaki sapul nang isinasagawa ang JR. NBA sa bansa at tinabunan ang dating record na 246 na nangyari sa Bacolod nitong Marso 19.

Aabot sa 50 bata ang masasama sa National Camp na hahawakan ni US Jr. NBA coach Frank Lopez at sasamahan ng NBA Le­gend na si AC Green.

 Tampok sa Camp ang pagpili ng 10 bata na hihirangin bilang Jr. NBA Philippine All Star Team na ipadadala sa US.

Show comments