MANILA, Philippines - Kung may laban na gustong makita si dating world heavyweight champion Mike Tyson, ito ay ang pinakahihintay na megafight nina Filipino world eight-division titlist Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr.
“I would love to the see the fight,” sabi ni Tyson sa isang panayam kahapon. “I would love to see the odds, so I can make a beat.”
Sa pagitan ng 32-anyos na si Pacquiao at sa 34-anyos na si Mayweather, naniniwala ang 45-anyos na si Tyson na mas magiging paborito si Mayweather mula sa dominasyon nito laban kay Mexican Juan Manuel Marquez.
Matapos ang isang draw noong Mayo ng 2004, isang split decision naman ang naitakas ni Pacquiao laban sa 37-anyos na si Marquez sa kanilang rematch noong Hunyo ng 2009 para sa dating suot na World Boxing Council (WBC) super featherweight title ng Mexican.
“Pacquiao went life and death with Marquez,” pagkukumpara ni Tyson, “Then Mayweather dominated him.”
Huling lumaban ang 5-foot-10 na si Tyson, nagretiro na may 50-6-0 win-loss-draw ring record kasama ang 44 KOs, noong Hunyo 11, 2005 kung saan siya natalo kay Kevin McBride via sixth-round TKO sa isang non-title fight.
Dalawang beses umatras si Mayweather kaugnay sa pagtatakda ng kanilang salpukan ng Sarangani Congressman noong nakaraang taon mula sa pagpipilit niyang sumailalim sila sa isang random drug testing hanggang sa isyu sa prize money.
Nakatakdang itaya ni Pacquiao ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban sa 39-anyos na si Sugar Shane Mosley sa Mayo 7 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Nanggaling si Pacquiao sa isang unanimous decision win laban kay Mexican Antonio Margarito para sa bakanteng World Boxing Council (WBC) light middleweight belt noong Nobyembre ng 2010 sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas.