Kanan ni Mosley mapanganib
MANILA, Philippines - Hindi pa man nagsisimula ng paghahanda sila ni Manny Pacquiao pero alam na ng batikang trainer na si Freddie Roach ang mga dapat na paghandaan ng Pambansang kamao sa laban nila ni Shane Mosley na itinakda sa Mayo 7 sa MGM Grand Arena.
Si Roach na nasa bansa na mula pa noong nakaraang Martes ay naglalayong ihanda si Pacquiao sa mahabang laban dahil plano niyang palambutin muna ang inaasahan niyang matibay na si Mosley.
Ayon kay Roach, hindi basta-basta na kalaban ang US boxer na sa edad na 39 ay uhaw pa rin na makahawak pa ng kampeonato.
Nakataya sa sagupaan ang titulong hawak ni Pacquiao na WBO welterweight division at sinasabing mabigat na laban ito dahil walang catch weight na gagawin sa bakbakan di tulad sa nangyari sa huling mga laban ng Pambansang kamao.
Sa basa ni Roach, sisikaping tapusin ni Mosley ang laban sa maagang rounds dahil hindi na umano ito makakasabay sa bilis ng Pambansang kamao lalo na kung tumagal lang laban.
Ang kanang kamao ang dapat umanong pag-ingatan ni Pacquiao dahil ito ang pinakamabisang sandata ni Mosley at siya ring muntik magpabagsak kay Floyd Mayweather Jr. nang nagkaharap noong nakaraang taon.
“Manny can get hit with the right lead down the middle. That’s what he should watch out for against Mosley,” wika ni Roach.
Pero dahil alam na niya ang diskarteng ito ni Mosley kaya’t kumbinsido si Roach na mananalo pa rin sa pamamagitan ng knockout ang kasalukuyang Kongresista ng Sarangani Province at pound for pound champion ng mundo.
“Mosley’s got power and some hand speed so we won’t rush things,” pahayag pa ni Roach na nakikita ang KO na mangyayari sa kalagitnaan ng 12-round bout.
Kung hindi magbabago ang plano, ang pagsasanay ni Pacquiao ay magsisimula na bukas sa Cooyesan Hotel Plaza sa Baguio City.
Ang nasabing lugar ang siya ring ginamit ni Pacquiao nang naghanda ito sa kanilang laban ni Antonio Margarito at Miguel Cotto.
- Latest
- Trending