PASA prexy iimbestigahan ng Kongreso
MANILA, Philippines - Magkakaroon ng linaw ang mga problemang ibinabato sa Philippine Aquatic Sports Association (PASA) sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Kongreso sa Marso 15.
Inimbitahan ang pangulo ng PASA na si Mark Joseph na dumalo sa pagdinig na pinamumunuan ni Partylist Congressman Arnel Ty matapos ipaalam ng dating Senadora Nikki Coseteng ang umano’y maanomalyang pamamalakad ng NSA official sa swimming.
Si Ty ay naghatid ng House Bill 766 na ang layunin ay alamin at sikaping ayusin ang problema sa cycling ng bansa.
Nagkaroon ng pagdinig ang House Committee on Youth And Sports noong nakaraang linggo pero naungkat ang problema sa swimming nang biglang dumating si Coseteng.
Inilabas ni Coseteng ang problema sa PASA na kung saan inakusahan nito si Joseph na mag-isang pinatatakbo ang PASA na binubuo ng 1,000 swimming clubs at 10,000 miyembro sa buong bansa.
Lumabas sa ulat na nakarating kay Coseteng na nagbitiw na ang mga PASA officials dahil hindi umano nila masikmura ang mga ginagawang pamamalakad ni Joseph.
Ipinaalam din ni Coseteng sa Komite na kailangan munang magbayad ng membership fee ang isang manlalangoy na nais na magpaturo sa PASA habang ang mga coaches para kilalanin ay dapat ding magbayad.
Ito umano marahil ang mabigat na dahilan kung bakit kahit ang Pilipinas ay hindi na nananalo sa mga malalaking kompetisyon.
“Nalulungkot ang mga dating Olympians at beteranong manlalangoy na nakatira na ngayon sa US, Canada at Europe sa pagbagsak ng swimming sa bansa. Sa kanilang kapanahunan mula 1954 hanggang 1982, bawat Pilipinong manlalangoy na ipinadala sa Asian Games ay umuuwing may dalang medalya,” ani Coseteng.
- Latest
- Trending