Sirang sports facilities, pansinin naman
Tama lamang na hindi bumigay si Philippine Sports Commission chairman Richie Garcia sa mga panawagan na magpatayo ng bagong football stadium.
Isang impraktikal na ideya kasi na magpatayo ng isang bagong football stadium sa gitna ng kahirapan na dinaranas ng bansa. Maaari pa naman na i-renovate na lamang ang Rizal Memorial Football Stadium, nang sa ganon ay mape-preserve ang kasaysayan nito habang nagagamit pa rin sa mga local at internasyunal na kompetisyon.
Milyun-milyong halaga ang kinakailangan para sa pagtatayo ng bagong stadium. Samantalang, halos hindi gagastos ang PSC kung ire-renovate ang 77- taon na Rizal Memorial Stadium dahil nag-alok ang De La Salle University na iisponsoran ang ilang bahagi ng renobasyon.
Isa pa kung magpapatayo ng football stadium, siguradong aabutin ito ng taon. Samantalang ang renobasyon ng Rizal Memorial Stadium ay tatagal lamang hanggang Mayo. Tamang-tama lamang sa pagsasanay ng mga atleta. Nagkaroon ng panawagan na magkaroon ng bagong football stadium dahil sa kasikatan ngayon ng Azkals. Kung tutuusin nga ay dapat na magpasalamat pa rin tayo dahil napansin na ng marami ang noon pa ay pinanawagan na natin na renobasyon ng Rizal Memorial Stadium.
Pero sana, hindi lamang ang Rizal Memorial Football Stadium ang dapat na i-renovate. Marami sa pasilidad sa sports sa ating bansa ang bumabagsak at gutay gutay na.
Ang RMSC swimming pool, ang Ninoy Aquino basketball court, ang Panaad Sports Complex, at marami pang iba sa iba’t ibang lugar. Isama na rin natin ang mga lugar kung saan nag-eensayo ang ating mga atleta.
Nakapasok na ba kayo sa RMSC gym. Kawawa ang ating mga wrestlers, judokas at iba pang nagsasanay sa lugar na iyon.
Iyon ang dapat na pagkagastusan ng PSC. Basic na pangangailangan ito ng mga atleta--ang pagkakaroon ng maayos na lugar na pagsasanayan. Kaya’t dapat na ayusin ng PSC ang mga lugar na ito.
* * *
Pinasasalamatan natin si Jon Hernandez ang mabait at friendly na kaibigan natin sa SMC Corporation dahil sa kanyang pag-alala sa 1st death anniversary ng dating editor at mentor natin na si Dina Marie Villena. Salamat po sa mga juice at mineral water.
- Latest
- Trending






















