Mamiit nasa magandang kundisyon kontra Japan
MANILA, Philippines - Bagamat siya ang pinakamatandang miyembro ng Philippine team sa edad na 34-anyos, nasa magandang kondisyon pa rin si Fil-American Cecil Mamiit sa kanyang paghahanda laban sa Japan sa Davis Cup Asia-Oceania Zone Group I tie sa Plantation Bay Resorts and Spa sa Cebu City sa Marso 4-6.
“It’s just pretty much being fit really well, no injuries and still playing well,” sabi ni Mamiit, mangunguna sa pagsagupa ng national squad sa Japan.
Sinimulan ni Mamiit, lumaki sa Los Angeles, California, ang kanyang professional career noong 1996 at nakuha ang kanyang pinakamataas na individual ranking sa ATP Tour noong Oktubre 11, 1999 sa pagiging World No. 72.
Para sa 2011 Davis Cup tie, makakatuwang ni Mamiit sina Fil-Am Treat Huey, Johnny Arcilla at Elbert Anasta katapat sina Go Soeda, Yuichi Sugita, Tatsuma Ito at Takao Suzuki ng Japan.
Tinalo ng Japan ang RP team, 5-0, sa nakaraan nilang Davis Cup tie sa Osaka, Japan noong Marso 7, 2010.
- Latest
- Trending


















