MANILA, Philippines - Gagamitin ni Governor Hermogenes Ebdane Jr. ang sports para maipakilala ang Candelaria at Zambales sa buong Pilipinas.
Pormal na inanunsyo ng dating PNP Chief at DPWH secretary ang idaraos na tatlong araw na Zamba MultiSports Festival, 2011 mula Marso 18 hanggang 20 sa isang press conference nitong Miyerkules ng gabi sa Dawal Beach Resort.
Ipinagmalaki ni Ebdane na ang lugar na pinamumunuan ay tila pinagsamang Boracay, Siargao at La Union dahil magaganda ang mga resort namin at masasabing pinakamalinis ang tubig sa aming lugar. Pero hindi kilala ang Zambales at Candelaria kaya sa pamamagitan ng sports ay nais ko itong gamitin para lumakas ang tourismo sa aming lugar,” wika ni Ebdane.
Maglalaan nga ng halos P1 milyong pondo ang local government para maidaos ang tatlong araw ng kompetisyon na inaasahang lalahukan ng kulang 1000 atleta.
Ang mga siklista ang unang masisipat sa Marso 18 sa paglarga ng 120-kilometer road race na sisimulan sa Provincial Capitol sa Sta. Cruz at didiretso sa Iba bago bumalik.
Hitik sa aksyon ang ikalawang araw dahil may isasagawang sprint duathlon, 2-kilometro open water swim, National Ultimate Frisbee elimination at Bikini Open.
Sa Dawal Beach Resort patungong Potipot Island gagawin ang Open Swim habang sa Uacon Cove na kinatatampukan ng magnetized sand isasagawa ang Frisbee event.
Sa Linggo naman isusulong ang BlackSand Triathlon na pangangasiwaan ni Melvin Fausto na siyang may hawak sa grass roots program ng Triathlon Association of the Philippines (TRAP).